
Tahanan, Kulungan
Kulungan, Tahanan
Ang mamatay ng dahil sayo… mga salitang binibigkas natin bago matapos ang ating pambansang awit. Awiting sumasagisag sa mga dakila na walang sawang ipinagtanggol ang Pilipinas…
Ika labing tatlong araw ng Oktubre taong 2018 sa Tanghalang PUP sakop ng Kolehiyo ng Komunikasyon sa kalye ng Anonas, Santa Mesa, Manila, nagkaroon ng pagaalay ng dasal sa mga nabiktima ng Oplan Tokhang. Naganap ang isang dulang tumatalakay sa mga mapangabusong pulis at opisyal. Sa mga taong namatay dahil sa War on Drugs. Natalakay din sa dula ang ginagawang tanim droga ng mga pulisya. Drug addict, Drug Pusher at mga inosenteng tao ay namamatay dahil dito. Mga batang nagtsotongke pinatay, mga kabataang nagshashabu pinatay, mga saleslady pauwi galing ng trabaho pinatay, mga lalakeng naglalakad pinatay, matapos ay lalagyan ng baril sa kamay at sasabihin nanlaban.

Nakakatuliro, nakakabaliw! Sino nga bang hindi mababaliw sa nangyayari sa bansa natin? Sinong magagalak na makita ang walang tigil na patayan sa ating bayan? Konting kilos! Konting kibot! May nakatutok na baril sa iyong sentido. Tila ba nakukulong tayo sa sarili nating tahanan, sa sarili nating bayan. Patayan, barilan, away, kaguluhan, patayan, barilan, away, kaguluhan! Paulit ulit! Paulit ulit!
Politiko, kapangyarihan, karangyaan, at pag angat sa nakararami ang gusto ng bawat isa sa atin. Nagiging sakim at makasarili ng ating kababayan para lang sa mga bagay na ito. Handang pumatay ng tao para lamang sa kasikatan, at kapangyarihan!
Hindi natin kailangan may panigan sa iba’t ibang partido. Maski ako wala akong nakikitang dapat panigan. Dahil alam mo, at alam kong lahat ng mga ‘yan ay may tinatagong baho’t anumalya! Pula man o puti, dilawan man o kahit anong kulay ka pa mas mainam at mahalaga pa rin ang pagmamahal sa ating bayan. Tayo ay magtulungan upang makalaya tayo sa sarili nating tahanan.

… Pilipinas- tinaguriang perlas ng silangan. Perlas ng silangan na nakalimutan na ng marami sa ating mga kababayan. Kababayan nating nagsusumamo at sumisigaw ng tunay na kalayaan. Kalayaan na di natin makamtan sapagkat sarili nating pinuno ang dahilan ng ating pagkabilanggo. Bilanggo- mga nasa likod ng rehas na hindi lahat ay may kasalanan. Kasalanang naibintang sa kanila na hindi naman nila magagawa. Ngunit sino ang gumawa? Mga may matataas na tungkulin at kapangyarihan. Kapangyrihang gustong makamit ng nakararami. Nakararaming handang pumatay makamtan lamang ang kasikatan at kapangyarihan. Gahaman!

Sa mga pamilya ko sa sining at bumubuo ng Sining Lahi Polyrepertory, pag galang at pagpupugay sa matapang niyong pag pasok sa usaping ito. Padayon! Ako’y walang sawang papalakpak sa mga natamo at matatamo niyo pang tagumpay.
Ikaw na nagbabasa ngayon, nawa ay maging instrumento ka upang mabago ang takbo ng tadhana, ng ating inang bayan. May mga nabubulag at nagbubulag bulagan. May mga bingi at nag bibingi bingihan. May mga tulog at nagtutulug tulugan. Kaya kung ikaw ay gising na, nawa’y wag ka ng pumikit pa. Kung ikaw ay nakarinig na, sana ay sabihin mo ang iyong nalaman. Kung ikaw ay nakakita na, tulungan mo kami na mulatin ang iba pa.
Medina, Allyssa Mae G.