Same road, same weather, same moon and stars that shine from above, same night time. There is only one thing that will never be the same again. It is you with me walking in that same particular road. I miss you, buddy!

Masaya talagang bumalik kung saan ka nanggaling. Habang binabaybay ko ang kahabaan ng trapik papuntang Pae, nahagip ng aking mata ang walking lane sa gilid ng kalsada. Kasing bilis ng pagbulusok ng nag-uumapaw na tubig ang pagbalik ng mga panahong nag-aaral pa ako sa kadyo. Para bang naririnig ko ang hagikgikan at makaputol ugat na sigawan naming magkakaibigan habang sabay sabay na nilalakad ang daan patungong Pae. Napakaespesyal para sa amin ang lugar na iyon. Napapawi ang pagod, uhaw at gutom namin basta’t matikman lang namin ang kwek-kwek at choco ng Pae. Ang sayang alalahanin ng mga masasayang panahon na ‘yon ngunit may bahagi ng puso ko ang biglang kumirot. Ang bawat puwang at espasyo ay hindi lamang napuno ng kasiyahan, marami ding alaala na dating masaya ngunit ngayon ay nakakapagpalungkot sa akin. Naalala ko, isa’t kalahating taon na pala ang nakakalipas noong huling makasama kita. Isa’t kalahating taon na rin pala magmula noong napagdesisyunan nating magsalungat ng landas. Parang kahapon lang ay hindi tayo magkandamayaw kapag ‘di tayo nakakapag-usap. Naalala ko pa kung paano natin takasan ang kanya-kanya nating kaibigan para lang magsabay umuwi at makapagkwentuhan ng mga nangyari sa buong araw ng isa’t isa. At iyon, iyong parte ng kalsadang ‘yon, doon mo ako pinapatahan noong parang akong batang ngumangawa sa pag-iyak. Naaalala ko kung paano mo ako patahanin at yakapin sa tuwing may problema ako, kung paano mo pagaanin yung mundo kapag hindi ko na kinakaya. Nabalik lamang ako sa realidad noong naramdaman kong umandar ang dyip na aking sinasakyan.
“Wala nang trapik”, bulong ko. Sana ay ganon nalang din kadaling umusad. Sana tulad ng dyip na kahit gaano pa katagal na nahinto ay makausad din ako. Hindi ko alam kung matatawa ako dahil kahit sa footbridge ay may ala ala tayo. Bakit ba kasi hindi mo nalang ako hinahayaang umuwi mag-isa noon at gusto mo pang ihatid ako? Ayan tuloy kahit sa pag-akyat ko sa footbridge ay naaalala kita. Parang pag-akyat sa footbridge, hinihiling ko na sana unti-unti tayong umakyat ng baitang ng ating mga pangarap para sa isa’t isa. Kahit na hindi sabay at magkasama, alam kong balang araw ay maaabot din natin ang rurok. Balang araw ay magkakasalubong din tayo sa gitna, doon sa taas. Hindi ngayon, pero kapag handa na ako. Sana lang kapag handa na ako ay nandyan ka pa.
